Friday, March 15, 2013

"Ruth: At ang Iyong Diyos ay Aking Diyos"

Hango sa kuwento ni Ruth na mababasa sa Old Testament ng Christian Bible. Kung may nais na gumamit ng script na ito para sa kanilang pagtatanghal, mangyaring ipa-alam sa akin. Interesado akong malaman na ako'y nakakatulong sa kapatiran kahit na sa simpleng paraan lamang.


Mga Tauhan:
Ruth
Naomi
Boaz
Orpah
TAO 1, 2, 3 - Bilang mga trabahador sa Hacienda ni Boaz at Narrators
Boy1 - Asawa ni Ruth
Boy 2 - Asawa ni Orpah
Ilan pang mga tauhan sa Hacienda

Setting:
Province -type ang location pero present time..

SCENE 1: (Scene 1 opens with this video:)


(Bubukas ang ilaw at tatapat sa 3 tauhan ng Hacienda...magpapalakpakan sa napanuod na video)

TAO 1: Winner talaga si ate Shamcey! Ang tindi ng kaniyang paniniwala!

TAO 2: Oo naman! Isipin mo, hindi siya magpapalit ng relihiyon kahit na alang-alang pa ito sa minamahal niya!

TAO 3: Pero hindi lahat ng babae kagaya niya...

TAO 1: Ha? Bakit, sinong kilala mo'ng hindi ganiyan ang gagawin?

TAO 3: Eh sino ba sa tingin mo?

TAO 2: Ay! Naalala ko na!

(Magdidilim. Bubukas ang ilaw sa isang bahagi ng stage to change scene to Naomi's house - province-. Naka-upo siya, nagsu-sulsi, si Orpah nasa mesa, kasama ang asawa niya, naghahanda ng ilulutong gulay. Papasok si Boy 1 kasama si Ruth, may dalang anito...)

BOY 1: (Lalapit kay Naomi) Inay, mano po... uhm, si Ruth po. (Kay Ruth) Magmano ka...

RUTH: Mano po...

NAOMI: (Kay Boy 1--may halong pagtataka) Anak?

BOY 1: Siya po si Ruth, Inay. Siya po ang nais ko'ng mapang-asawa.

NAOMI: (Mangha pa rin) Ganon ba? (Kay Ruth) Alam na ba ito ng mga magulang mo, hija?

RUTH: Opo. Nais ko lang po'ng iparating ang mensahe ng aking mga magulang na nais nila kayong makilala.

(Magdidilim. Bubukas muli ang ilaw sa grupo ng mga narrators.)

TAO 1: Si Senora Ruth? Paanong nangyari na hindi si Senor Boaz yung lalaki don?

TAO 2: Hindi pa kasi tapos yung kwento, makasingit ka agad...

TAO 1: Ok, fine... puwes, ituloy mo...

TAO 2: (Kay Tao 3)... kwento mo ung kasunod, teh...

TAO 3: So, iyon, ang unang napang-asawa ni Senora Ruth ay hindi tulad niya na isang Kristiyano...

TAO 1: (Kay Tao 3) Ibig sabihin, si Senora ay hindi Kristiyano dati?

TAO 3: Oo. Hindi.

TAO 1: (Kay Tao 2) Ano daw teh? Ang gulo...

TAO 2: (Kay Tao 1, may diin) Oo... si Senora Ruth ay hindi Kristiyano dati...

TAO 1: Ahhh... Eh ano?

TAO 3: Kung tawagin sila'y mga Lumad... hindi Kristiyano, pero hindi rin Muslim... Ang lahing pinagmulan ni Senora Ruth ay sumasamba sa mga anito, puno, diwata, engkanto... lahat na...

TAO 1: SERYOSO?!

TAO 3: Ay hindi, imbento ko lang yon!

TAO 1: Ahhhh!!!

TAO 2 - 3: STRESS KAMI SA'YO TEH! Oo.. iba ang diyos na kinikilala ni Senora Ruth noon...

TAO 1: Eh ano'ng nangyari?

TAO 2: Well, medyo malungkot kasi nagkaroon ng epidemya sa probinsiya kung saan nanirahan si Senora Ruth...

TAO 1: Epidemya?

TAO 3: Oo. May kumalat na isang nakamamatay na sakit at marami ang nasawi...

(Magdidilim. Pagbukas ng ilaw sa bahay ni Naomi, naka-itim na siya, nasa likod niya si Ruth at si Orpah, lahat sila ay nagluluksa)

NAOMI: (Nakatingin sa langit, umiiyak) Panginoong Jesus, sumpa ba ito sa aking mga anak na sila'y nag-asawa ng mga di mananampalataya at kailangan mo'ng bawiin ang mga hiram na buhay nila? Patawarin mo kami sa aming mga sala....

(Lalapit sina Orpah at Ruth, umiiyak)

NAOMI: Mga anak ko, wala na ang mga asawa ninyo. Wala na rin kayong dahilan upang samahan pa ako. Mas mamarapatin ko na kayo'y magsi-uwi na sa inyong mga magulang kung saan ay maaari kayong magsimulang muli, at balikan ang dati ninyong pananampalataya...

ORPAH: Inay, nalulungkot man ako subalit susundin ko ang utos mo. Uuwi na po ako sa amin. Sa palagay ko nga ay hindi nais ng inyong Diyos na ako'y naririto sa piling mo. Babalik ako sa aking mga magulang at sasamahan silang muli sa pagsamba sa aming mga anito. (Hahalik kay Naomi). Paalam po... (Aalis)

NAOMI: Ruth, anak, maaari ka na ring mag-alsa balutan at balikan mo ang iyong mga magulang. Ako naman ay babalik na rin sa probinsiya namin upang doon na muling manahan at hintayin ang sandali na ako'y kunin na rin ng aking Panginoong Jesus...

RUTH: Inay, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios: Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin

(Magyayakap sina Ruth at Naomi. Magdidilim.)

SCENE 2:

(Sa Hacienda ni Boaz, papasok ang 3 Narrators at ilan pang mga Obrero, maingay na nagku-kuwentuhan habang nagpapahinga.)

TAO 1: Makinig! Makinig! After ng break natin, babalik na tau sa pag-aani ng mga palay, and as usual, makikipulot na ng mga tirang ani ang mga taga-labas ng Hacienda. So ikaw, ikaw, at ikaw (magtuturo ng ilang obrero): Pakisuguro lang po na maayos na ang boundary lines para hindi sila lumampas at baka pati ang mga ani natin ay madampot din nila. (tutunog ang bell - alarm)... Ok. Trabaho uli...

(Maghihiwa-hiwalay ang mga obrero at aktong mag-aani ng mga palay; mag-iikot naman ang mga narrators para mamahagi ng inumin sa mga obrero. Maya-maya'y papasok si Ruth, nakikipulot ng mga ani. Mapapansin siya ni TAO 2)

TAO 2: Ah, excuse me, miss... Da hu?

RUTH: Uhm, magandang umaga po... ako po si Ruth, manugang ni Noemi, yung mga bagong dating galing sa Ibayo.

TAO 2: Mukha ngang bago ka lang dito. Hindi mo ba alam ang rules sa mga nakikipulot ng ani?

RUTH: (Marahang iiling)

TAO 2: Hanggang doon lng dapat kayo teh, (magtuturo sa malayo); bawal kayong lumampas sa linya...

RUTH: Naku, paumanhin po... (Aktong lalabas, pero papasok si Boaz)

BOAZ: Sandali... Sino ang babaeng ito?

TAO 2: Si Ruth po, Senor Boaz. Siya po ang manugang ni Noemi na nagbalik bayan mula sa Ibayo.

BOAZ: (Kay Ruth) Ikaw pala yon... Hindi mo ba alam na may batas para sa mga nakikipamulot ng ani? Hindi kayo maaaring lumampas sa linyang itinalaga para sa inyo...

RUTH: (Magpapatirapa ng paluhod) Patawarin po ninyo ako, Senor... hindi na po mauulit... ibabalik ko ang mga palay na nakuha ko ngayon din...

BOAZ: (Tatango) Makinig ang lahat! (Titigil ang lahat sa pagta-trabaho at lalapit kay Boaz). Simula sa araw na ito, ang babaeng ito, si Ruth na manugang ni Noemi ay maaari nang manguha ng ani sa labas ng linya...

(Gulat na mapapatingin si Ruth pero bigla ring yuyuko)

BOAZ:... at kung siya'y mauuhaw, bigyan nyo rin siya ng maiinom, at kung magutom, pakainin. Bumangon ka, Ruth...

(Marahang tatayo, pero hindi pa rin makatingin ng deretso kay Boaz)

RUTH: Senor, ano po ba ang nagawa ko para pakitaan ninyo ako ng ganitong kabaitan?

BOAZ: Nabalitaan ko ang pagmamahal mo kay Noemi na aking ikalawang pinsan, mula sa pagkamatay ng iyong asawa: at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at tinalikuran ang iyong dating paniniwala upang sumamba sa Diyos na Buhay, at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo naman nakikilala. Makinig ang lahat: simula ngayon, hayaan ninyo si Ruth na mamulot ng ani hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan. At ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis upang madala sa kaniyang pag-uwi.

LAHAT NG MGA TAUHAN NI BOAZ: Opo, Senor Boaz!

BOAZ: Ruth, dito ka na mananghalian kasama namin...

(Magdidilim)

SCENE 3: (Gabi. Si Boaz ay naka-upo sa kaniyang hardin, nag-iisip)

BOAZ: (voice over) Panginoon, salamat sa masaganang ani. Bukas na bukas din ay maibabalik na namin ang ikapu ng aming kinita, at madadagdagan na naman ang pondo para sa pagpapatayo ng bahay sambahan. Siya nga pala, naka-kilala ako ng isang mabuting dilag kanina, si Ruth. Bagama't saglit lang kami'ng nag-usap, nakita ko agad sa kaniya ang mga katangian ng isang babae na laging laman ng aking mga panalangin. Ang isang tulad ni Ruth ang nais ko'ng makasama sa pagtataguyod ng isang Kristiyanong pamilya...

(Makakatulog si Boaz. Siya namang dating ni Ruth, may panlamig na balabal at may dalang maliit na bilao ng biko. Makikita niyang tulog si Boaz kaya kukumutan na lamang niya ito at akmang aalis. Magigising si Boaz)

BOAZ: (Mapapansin ang kumot na balabal)...S-sino ka?

RUTH: (Nakatalikod kay Boaz) Ako po ito, si Ruth... naparito lang po ako upang dalhan kau ng biko gawa sa malagkit na palay na pinamulot ko kanina, subalit inabutan ko kayong natutulog kaya minarapat ko na umalis na lamang...

BOAZ: Bikong gawa sa pinamulot na palay? Sigurado ka bang para sa akin mo ibibigay yan?

RUTH: P-paunmanhin po, Senor... gustuhin ko man na bigyan kayo ng regalo na higit pa rito ay hindi ko kaya dahil wala naman po akong maibibigay bilang pasasalamat sa inyo... kung hindi po ninyo gusto ay iuuwi ko na lamang po ito...

BOAZ: Hindi... nagkakamali ka... Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya sa regalong ito... akina... (kukunin ang biko kay Ruth); Sandali lang, hintayin mo ako, may kukunin lang ako sa loob ng bahay...

(Lalabas si Boaz at siya namang papasok si Noemi)

NOEMI: Tinanggap ba niya ang regalo mo, anak?

RUTH: Opo, ina. Pero hindi ko maintindihan. Bakit labis na lamang ang kaligayahan niya sa simpleng regalong iyon...

NOEMI: Eh yung balabal? Naikumot mo ba sa kaniya?

RUTH: Opo...

NOEMI: Mahusay. Anak, nalulungkot ako sa tuwing nakikita kita na nangungulila sa aking anak kaya wala akong ibang hinangad kung hindi ang iyong kaligayahan. Maghintay ka lamang, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa lalong madaling panahon. (Titingin sa direksyon ni Boaz). Nariyan na siya, maiwan na kita....

(Lalabas si Noemi. Papasok muli si Boaz dala ang balabal ni Ruth na may lamang bigas)

BOAZ: (Ibibigay ang balabal kay Ruth) Anim na takal ng malagkit na bigas; iparating mo ito sa iyong biyenan na si Noemi. Makakauwi ka na, Ruth. May kailangan akong asikasuhin sa lalong madaling panahon.

(Magdidilim)

SCENE 4: (sa Hacienda ni Boaz. Nagpapahinga sina Ruth, ang mga Obrero, at ang 3 Narrator. Maya-maya'y hahatakin ni TAO 3 sina TAO 1, 2 at RUTH malapit sa harap ng stage)

TAO 3: (Matamis ang ngiti at kitang-kita ang excitement)...gels, may sasabihin ako sa inyo....

TAO 2: Ano to teh?

TAO 3: Tinanggap ni Dudong yung binigay ko'ng biko sa kaniya kaninang umaga...

TAO 1 and 2: As in?! (Mai-excite din, si Ruth ay mangha lamang)

TAO 3: Oo. At nilagyan niya ng anim na takal ng bigas ang balabal ko!

(Magtitilian sa kilig ang tatlo.)

RUTH: (Mangha) P-pwede nyo po bang ipaliwanag sa akin ang mga nangyayari? Anong meron sa biko at balabal na may bigas?

TAO 1: Ay, oo nga pala teh.. Bago ka lang sa amin. Dito kasi sa bayan namin ay may kultura na kapag ang dalaga ay nagbigay sa isang binata ng bikong gawa sa pinulot na bigas, siya ay nagpapahayag na handa na siyang mag-asawa; at ang paglalagay ng lalaki ng bigas sa balabal ay tanda na interesado ang lalaki na ligawan siya...

TAO 2: Ibig sabihin, the more bikos you give away, the more chances of winning!

TAO 3: Che! Wag kang maniwala sa kaniya, Ruth. Ibibigay mo lang ang biko sa lalaking pinili ng mga magulang mo para sa iyo...

(Mapapatakip ng bibig si Ruth. Magdidilim)

SCENE 5: (Bubukas ang ilaw at nasa isang bahagi ng stage ang 3 Narrators)

TAO 1: Sa madaling sabi ay ikalawang asawa ni Senora Ruth si Senor Boaz?

TAO 2: Na-gets mo teh!

TAO 3: And they lived happily ever after! (Biglang malulungkot. Lalapitan ni TAO 1 and TAO 2)

TAO 2: O, tahan na...

TAO 1: Palagi namang may pagsubok sa bawat bahagi ng buhay...

TAO 3: Iniisip ko lang kasi sina Senora Ruth at Senor Boaz... malaki na ang nalugi sa Hacienda simula nang mag El Nino...

TAO 1: Eh diba, sabi mo nga, they lived happily ever after? Ibig sabihin, may happy ending pa rin. Manalig lang tayo...

(Magdidilim. Bubukas naman ang ilaw sa kabilang bahagi ng entablado, si Boaz ay naka-upo, malalim ang iniisip. Papasok si Noemi, kasama si Ruth na ngayon ay buntis na...)

RUTH: Boaz, mahal ko, malalim na naman ang iniisip mo...

BOAZ: Mahal ko, inaalala ko kasi ang mga obrero. Halos wala na akong maipa-sweldo sa kanila dahil mauubos na rin ang naitabi natin, at mukhang mahaba pa ang tagtuyot na to...

RUTH: (Uupo sa tabi ni Boaz) Hindi ba't ikaw ang nagturo sa amin na kung tayo'y mananalig sa Panginoon ay hindi Niya tayo pababayaan? May isa na ba sa mga obrero ng Hacienda ang narinig mong nag reklamo? Wala naman hindi ba? Alam kasi nila na ginagawa mo ang lahat para makatulong sa kanila. Bunga rin ito ng iyong mga panalangin.

NOEMI: Tama siya, Senor Boaz. Kung tutuusin, isa tayong napakalaking pamilya -- kasama ng mga obrero.  Para ano pa'ng lahat tayo ay sumasamba sa Buhay na Diyos kung hindi rin naman tayo magkakapit-kamay sa oras ng pagsubok? Hindi ka nag-iisa, Senor Boaz. Ako, si Ruth, ang mga obrero, at higit sa lahat, ang Panginoong Hesus, ay kasama mo sa pagsubok na ito.

RUTH: Kung sama-sama tayong sumasamba sa Panginoon, sama-sama rin tayo, sa hirap at ginhawa.

(Kukulog)

NOEMI: (Masaya) Narinig nyo ba iyon?

BOAZ: Kumukulog?

RUTH: Uulan?

(Masayang magyayakap-yakap ang 3. Maririnig muli ang tunog ng kulog at ang malakas na pagbuhos ng ulan. Dadaan sa harapan nila ang 3 narrators, nagmamadali, may dalang maliliit na salbabida o mga gamit pang-ligo)

TAO 1: Hoy, hintayin ninyo ako!

TAO 2: Hay naku, kung babagal-bagal ka eh baka abutan ka na ng patila ng ulan.

TAO 3: Senor Boaz, halina't samahan ninyo kami sa labas. Dininig na ng Panginoon ang ating mga panalangin  at natapos na ang tag-tuyot!

(Magtatakbuhan palabas ang 3 Narrators, masayang susunod sina Boaz, Ruth, at Noemi. Magdidilim.)

SCENE 6: (Bubukas ang ilaw at makikita ang lahat ng tauhan, nakagayak ng pangsamba. Si Ruth ay may dalang sanggol. Tatayo si Boaz sa gitna..)

BOAZ: Mga kapatid sa Panginoon. Lubos akong nagagalak dahil hindi ninyo kami iniwan sa oras ng aming matinding pangangailangan. Nagpapasalamat din ako sa Panginoon sa pagkakabuklod-buklod niya sa atin na tulad ng sa isang malaking pamilya. At ngayon, sa bagong yugto ng aming buhay, sa pagdating ng aming pinakamamahal na anak si Obed,  inaasahan ko'ng patuloy pa rin namin kayong makakasama. Sabi nga, the family that worships together...

LAHAT: ... STAYS TOGETHER! (magpapalakpakan ang lahat)

TAO 1,2,3: Ok! Picture-picture!!!

(Pupuwesto ang lahat para sa isang group picture. May flash ng ilaw. Magdidilim.)


---WAKAS---































No comments: